Ang Papel ng Wika at Kasaysayan sa Paghubog ng Diwa ng Isang Makabayang Lipunan
- Mary Daniella Taon
- Apr 18
- 2 min read
Updated: Sep 12
“Ipinanganak ang tao na pare-parehong hubad at walang tali. ‘Di sila nilikha ng Diyos upang maalipin, ‘di binigyan ng isip para magpabulag, at ‘di biniyayaan ng katwiran upang maloko ng iba.” - Dr. Jose Rizal, Pambansang Bayani ng Pilipinas
Ilang beses nang naranasan ng Pilipinas ang pananakop ng mga banyaga. Ilang beses na ring ipinaglaban ng mga Pilipino ang bansa upang makamit ang inaasam na kalayaan. Sa daan-daang taon na tayo’y nagpa-alipin sa mga mananakop, natuto tayong gumamit ng mga sandata, sa pagbabaka sakaling mayroon pang magandang kinabukasan na naghihintay sa mga susunod na henerasyon.
Dugo at pawis ang inialay noon sa pagkamit ng kalayaan na mayroon tayo ngayon. Sa mata ng marami, ang dalawang ito ang naging patunay kung gaano kahirap ang pagtatanggol sa bayan. Bagaman akala ng marami na itong dalawa lamang ang ibinubuhos sa pag-abot ng pinapangarap na malayang bayan, pinatunayan ng ating pambansang bayani na higit pa rito ang kinakailangang ialay at isakripisyo. Bukod sa dugo at pawis ay kaniya ring inialay ang tinta ng kaniyang panulat at boses upang imulat ang mata ng mga Pilipino sa pang-aabuso ng mga mananakop. Ibinuhos niya ang kaniyang kaluluwa sa bawat salitang isinulat. Binigay niya ang buong puso sa pagbabahagi ng kaalaman at paglikha ng pagbabago.
Si Dr. Jose Rizal ang naging patunay na hindi karahasan ang sagot sa lahat ng bagay. Kaniyang ginamit ang wika upang ihayag ang mga pang-aabuso ng mga Espanyol, na kalaunan ay naging daan upang makamit ang kapayapaan at kalayaan na ating tinatamasa ngayon. Sa pamamagitan ng kaniyang mga akda gaya ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo ay inilahad niya ang mga suliranin ng lipunan at hinikayat ang mga mambabasa na kumilos at maging parte ng paglikha ng pagbabago na siyang magpapalaya sa ating inang bayan. Higit pa sa pagiging paraan ng komunikasyon ay nagsilbing makapangyarihang sandata ang wika sa paglaban sa kolonyalismo. Ito ang naging tulay upang magising ang damdaming makabayan ng mga Pilipino at upang ilantad ang kalupitan ng mga Espanyol.
Sa kasalukuyan, sa kabila ng pag-unlad ng bayan at pagsulong ng teknolohiya at globalisasyon, nananatiling mahalaga sa pagbuo ng isang makabayang lipunan ang wika at kasaysayan. Pinalakas ng mga ito ang ating pambansang identidad at iniugnay ang bawat isa bilang isang bayan. Kaya naman, mahalagang aralin ang wika at kasaysayan ng Pilipinas at matutong gamitin ito nang tama. Nawa ay magsilbing aral ang kasaysayan at magbigay-inspirasyon sa atin na lumika ng mas magandang kinabukasan.
Ipalaganap ang kamalayan tungkol sa wika at kasaysayan at panatilihing buhay ang nagniningas na apoy ng nasyonalismo. Sama-sama tayong maging parte ng pagbabago.