top of page

“Taympers Muna”: Paano Hinubog ng Tumbang Preso ang Kabataang Pilipino

Dibuho ni: Krystelle Ann A. Visda
Dibuho ni: Krystelle Ann A. Visda

Kailan nga ba natututo ang kabataang Pinoy ng pakikipagkapwa-tao?


Kailan niya nauunawaan ang halaga ng pagiging patas? Kailan niya natatanggap na hindi laging panalo ang buhay — na minsan, kailangan din nating matalo upang mas lumalim ang ating pag-unawa? Kailan niya natututunan na higit sa resulta ng laro, ang mahalaga ay kung paano siya lumaban — patas, totoo, at may dangal?


Maaaring natutunan nila ito sa loob ng silid-aralan. Maaari ring sa kanilang mga magulang o sa sariling karanasan.


Ngunit minsan, lingid sa ating kaalaman, marahil ay una nila itong natutunan sa mga simpleng larong pinoy noong kanilang kabataan.


Ang mga tradisyunal na larong pinoy gaya ng patintero, tumbang preso, luksong baka, chinese garter, at marami pang iba, ay hindi maipagkakaila na malaking parte ng pagkabata ng marami. Maaaring nangyari rito ang pagkatuto. Maaaring sa mga larong ito nila unang naranasan ang manalo at matalo, ang makipagtulungan, ang may makaalitan at batian, ang maghintay para sa kanilang oras na tumira, at ang magpahinga sa ilalim ng araw habang naka-taympers muna. 


Dito sila unang natuto kung paano makisama, makiramay, at makipagkapwa-tao.


Sa bawat laro, hinuhubog ang kanilang karakter, hinahasa ang kaisipan, at pinatatatag ang loob —  handang humarap sa anumang hamon ng buhay. 


Ngunit sa panahon ngayon, tila nagbabago na ang anyo ng pagkabata. Walang laman ang lansangan. Ang mga parke? Tahimik. Ang mga kalsada na noo’y puno ng mga batang naghahabulan? Puno na ng mga sasakyan. 


At ang mga bata, madalas nang nasa loob ng bahay, kaharap ang cellphone, tablet, o kompyuter. Sa halip na kaibigan ang kalaro, ang kaharap nila ay screen. Sa halip na matutong makipag-usap nang harapan, mas nasasanay silang makipag-usap sa pamamagitan ng mga online messaging apps. Hindi na nila alam kung paano maghintay, makisama, o makipagkompromiso.


May iilan na mas pipiliing hanapin ang sagot sa internet, kaysa lutasin ang problema sa sariling paraan. Mas pinipili ang “madali lang” kung saan mas mabilis ang resulta, hindi kailangang maghintay, hindi kailangang makipagtalo. Kaya siguro, sa paglaki nila, nahihirapan na silang makipagkapwa. Nahihirapang makibagay. 


At tayo, bilang isang lipunan, nagiging mas madali ring magkawatak-watak, sapagkat hindi na natin alam kung paano makinig, umunawa, at makisama sa iba.


Nakakalungkot isipin na kasabay ng mabilis na pag-usad ng teknolohiya, unti-unti ring nawawala ang mga larong minsang naging sentro ng ating kabataan. At kaakibat ng dahan-dahang pagkalimot dito, hindi na nahuhubog ang mga kabataan bilang mga responsable, mapagpakumbaba, at aktibong mamamayan ng bansa. 


Ang kabataan ngayon, sanay sa "madali lang." Hindi na kailangang maghintay ng kalaro. Hindi na kailangang pagpawisan, madapa, o mag-isip. Kaya mahalagang itanong sa ating mga sarili, dapat ba tayong manatili sa larong “madali lang”? O mas maganda bang piliin ang larong “mahirap” na nagtuturo sa atin kung paano maging matatag, at maging isang tunay na “kapwa”?


Kaya Taympers Muna! Taympers sa pagharap at paglalaro sa screen. Sa panahon kung saan lahat ay digital, ang mga salitang “taympers muna” ay hindi lamang angkop sa usapin ng pagtigil sa paglalaro upang magpahinga. Kundi, ito ay isang pagkakataon upang tumigil nang sandali para makipag-ugnayan sa iba, sa kapamilya, sa kaibigan, sa mga taong nasa laylayan, sa mga naglalakbay sa dilim na naghahanap ng liwanag, pag-unawa, malasakit, at kasama. 


Untitled design (8).png

The Phoenix is Manresa School's official publication. Managed by students from the Senior High School Department, we at The Phoenix are committed to being the voice that allows Manresans to rise from the ashes—becoming self-actualized, lifelong learners.

Senior High School Department

Manresa School Bb. Ramona Tirona Parañaque

1720 Metro Manila, Philippines

Untitled design (8).png

© 2025 The Phoenix.

bottom of page