Kupas na Kasaysayan
- Jada Miguela P. Ongkingco
- Sep 23
- 2 min read
Updated: Sep 25

Sa bawat hibla ng tela, mayroong kasaysayan. At sa bawat burda nama’y mayroong kuwento ng ating lipunan.
Ang kasuotang Pinoy ay hindi lamang anyo ng kagandahan, kundi isang istoryang sumasalamin sa atin bilang isang bayan.
Makulay ang kwento ng mga kasuotang Pilipino; ang bawat kulay ay siyang nagrerepresenta at nagbibigay-buhay sa lahat ng mga pinagdaanan at katatagan ng ating mga ninuno.
Noong panahon ng mga Espanyol, ipinataw ang mga kasuotang ito upang maging hangganan sa pagitan ng mga Pilipino at ng mananakop. Sa kasaysayan, naging tanda ito ng pagkakaiba, ng pagkahiwa-hiwalay. Ngunit kalaunan, ito ay naging sagisag ng pagkakaisa. Unti-unting umusbong ang baro’t saya bilang simbolo ng ating sariling kultura—patunay na kahit sa ilalim ng pang-aapi, nakatatagpo ang Pilipino ng dangal at kagandahan.
Ngunit, nasaan na sila ngayon?
Sa gitna ng mabilis na pag-usbong ng modernong moda, tila dahan-dahang namamatay ang kasiglahan at unti-unting kumukupas ang kulay ng mga kasuotan. Nakatiklop, maalikabok, ginagamit lamang sa pista o seremonya, at kadalasan ay itinuturing na “luma.”
Ang tanong: kung unti-unti na nating kinakalimutan, paano natin ito maipapasa sa mga susunod na henerasyon?
Hindi ba’t sa pagtanggi sa bawat kasuotang sagisag ng ating lahi, para na rin nating pinuputol ang sinulid na nagdurugtong sa atin bilang isang bayan?
Nasa atin bilang mga Pilipino ang kakayahan na labanan ang pagkalimot sa kasaysayan at ipagpatuloy ang pagpapalawak ng kultura, maging ng ating mga kasuotan.
Ang mga kasuotang Pilipino ay hindi lamang dapat manatiling parte ng ating mga alaala. Dapat din itong maging parte ng kasalukuyan. Sa halip na tanggalin ang kupas ng kulay, ang hibla at ang burda, kailangang tayo mismo ang magsilbing sinulid na muling maghahabi ng sigla—upang gawing mas makulay, mas matibay, at mas makabuluhan ang ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino.