top of page

Bayani o Biktima? Ang Tunay na Halaga ng Kabayanihan

Updated: Aug 29

Isinulat ni: Joaquin Jimenez


ree

“Bayani o Biktima?” Para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs), ito ang tanong na matagal nang natatabunan ng naratibong nakapokus lamang sa kanilang mga sakripisyo at paghihirap—mga imaheng nakasanayan natin sa mga teleserye, pelikula, at balita. 


Puhunan ng mga OFWs ang kanilang sipag at tiyaga. Samantalang ang kanilang mga ngiti ay tila sandata laban sa bigat na dinadala. Para sa kanila, isang bagay lang ang mahalaga: ang masiguradong maayos ang pamumuhay ng kanilang mga pamilya. Ngunit, sa likod nito, nakatago ang isang masakit na katotohanan: umaalis sila hindi dahil sa ginusto nila, kundi dahil sa kakulangan ng oportunidad at suporta mula sa sarili nilang bayan.


Maging ang mga institusyon ng ating gobyerno ay nagpapatibay sa naratibong ito. Bawat taon, iginagawad ang Bagong Bayani Awards ng Department of Migrant Workers upang parangalan ang mga “natatanging” OFWs. Bagama’t may mabuting layunin, ipinaparating nito ang ideya na ang pagtitiis at pagdurusang pinagdaraanan ng mga OFWs ay kabayanihan, sa halip na problemang kailangang solusyonan.


Nakatago sa ilalim ng salitang Bayani ang mga pagkukulang ng ating sistema. Ito rin mismo ang sistemang nagtutulak sa milyun-milyong Pilipino na mangibang-bansa kapalit ng matinding hirap. 


Lubos na kulang ng maayos na oportunidad sa loob ng bansa. Maraming propesyonal ang nagtatapos bawat taon, at kahit mataas ang pinag-aralan, hindi nagagamit nang maayos ang kanilang kakayahan at napipilitang pumasok sa mga trabahong hindi tugma sa kanilang mga kasanayan. Sa ganitong kalagayan, mas madali para sa maraming piliin ang migrasyon kaysa manatili.


Hanggang sa kasalukuyan, nananatiling mababa ang sahod ng mga manggagawa sa loob ng bansa habang lalong tumataas ang presyo ng mga bilihin. Kahit may trabaho, madalas ay hindi sapat ang kita upang makasabay sa gastos ng pamilya. Bukod pa rito, halos $14 bilyon ang ipinasok ng OFWs mula Enero hanggang Mayo ngayong taon, na katumbas ng 8-10% ng ating GDP. Nakatali na mismo ang ekonomiya ng bansa sa patuloy na pag-alis nila. 


Hindi libre ang bansag ng bayani. May kapalit ito, at madalas ay hirap at pasakit. Maraming ulat ang nagbubunyag ng mga kaso ng pang-aabuso: mga OFWs na ikinukulong sa bahay ng amo, hindi siniswelduhan, kinukunan ng pasaporte, at nagiging biktima ng pisikal o sekswal na karahasan. 


Mabigat din ang epektong sikolohikal ng pagkakahiwalay nila sa kanilang mga mahal sa buhay. Para sa marami, ilang taon ang lumilipas bago nila muling makita ang kanilang mga pamilya. Dahil dito, karamihan sa kanila ang nakararanas ng matinding lungkot, depresyon, at homesickness. Sa kabila ng bilyon-bilyong naipapasok nila sa ekonomiya, kulang pa rin ang konkretong proteksyon mula sa pamahalaan.


Hindi dapat maging katumbas ng kabayanihan ang pagtitiis. Hindi dapat ituring na normal ang pangingibang-bansa para lamang mabuhay. 


Karapat-dapat sa mga OFWs ang mabigyang-pugay, ngunit mas higit na nararapat silang bigyan ng maayos na sistema, kung saan may kakayahan silang makakuha ng disenteng trabaho at maayos na mga oportunidad sa loob mismo ng ating bansa.


Ang pinakamagandang parangal na maibibigay ng bansa sa kanila ay hindi tropeo o titulo, kundi isang lipunang hindi na kailangang itulak ang sarili nitong mga mamamayan na lumisan. 


Sa halip na ipagdiwang ang kanilang paghihirap, mas kailangang bigyang pansin at aksyon ang mga problemang nagiging dahilan ng kanilang pag-alis. Sapagkat ang tunay na kabayanihan ay ang pagbibigay sa bawat Pillipino ng kakayahang magtagumpay at umunlad sa sarili nilang bayan.


Untitled design (8).png

The Phoenix is Manresa School's official publication. Managed by students from the Senior High School Department, we at The Phoenix are committed to being the voice that allows Manresans to rise from the ashes—becoming self-actualized, lifelong learners.

Senior High School Department

Manresa School Bb. Ramona Tirona Parañaque

1720 Metro Manila, Philippines

Untitled design (8).png

© 2025 The Phoenix.

bottom of page