Kulay Kayumanggi
- Anne Kirsten M. Cupo
- Sep 21
- 2 min read
Updated: Sep 23

Limampu't tatlong taon na ang nakalipas simula noong napasailalim ang Pilipinas sa kamay ng isang diktador. Gayunpaman, patuloy na nananatiling makasaysayan ang ika-21 ng Setyembre, lalo na ngayong taon na mas nag-aalab ang galit at dismaya ng mga Pilipino.
Sa parehong araw noong taong 1972, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang Proklamasyon blg. 1081 bilang pormal na deklarasyon ng Batas Militar sa bansa. Sa loob ng labing-apat na taon, nagdusa ang mga Pilipino, lalung-lalo na ang mga umalma at lumaban sa mapang-abusong pamamalakad ni Marcos.
Magmula noon, natutunan ng mga Pilipino na makakamit lang ang tunay na pagbabago kung handa ang bawat isang isantabi ang mga pagkakaiba—handang manindigan at magkaisa para sa ikabubuti ng bayan.
At ngayong taon, muling naging saksi ang mga lansangan sa patuloy na laban.
Libu-libong Pilipino ang nagtipon sa ginanap na malawakang kilos-protesta sa Luneta Park at EDSA People Power Monument na dinaluhan ng mga ordinaryong mamamayan, pati na rin ng mga kinatawan ng simbahan, miyembro ng LGBTQ+ community, grupo ng mga estudyante, at maging mga artista.
Kabaliktaran ng kadiliman na bumalot sa sambayan sa parehong araw, limampu’t tatlong taon ang nakakaraan, liwanag ang sumilay sa bawat sulok ng daan.
Dinagsa ang dalawang kilos-protesta ng mga taong nakasuot ng itim at puti—mga kulay na madalas isinusuot tuwing mayroong namatay. Ngunit nagsilbing panibagong simbolo: ang iisang mithiin na ilibing ang korap na sistema at manawagan ng pagkakaisa.
Simbolo rin ang iba pang mga kulay ng katayuan sa buhay at ipinaglalaban—mula sa mga healthcare workers na suot ang kani-kanilang mga uniporme, mga kabataan na dala ang kulay ng kani-kanilang unibersidad, at maging mga simpleng mamamayan na nakasuot lamang ng karaniwang damit, at walang ibang dala kundi ang pagnanais na makamit ang hustisya para sa bansang inaalipusta.
Sa kabila ng magkakaibang kulay, iisa lamang ang nag-ugnay at nagsilbing bandila para sa lahat—ang kayumangging kulay ng ating mga balat.
Ang kulay kayumanggi, na nagsilbing paalala na anuman ang ating pinagmulan at katayuan sa buhay, iisa lang ang ating lahi at lipi. Ito ang kulay na nagsasalaysay ng kuwento ng ating mga ninuno, ng tapang at tibay na dinala ng ating mga bayani sa bawat pakikibaka. Ito rin ang kulay na nagbuklod sa atin ngayon upang ipagpatuloy ang laban para sa tunay na kalayaan.
Patuloy na umaalab ang diwa ng pagbangon mula sa dilim at ang tapang na harapin ang anumang hamon ng kinabukasan sa puso ng bawat Pilipino. Ang alab na ito'y nagsisilbing patunay na hindi kailanman nagpapahinga ang diwa ng pakikibaka.
“Ang tao, ang bayan, ngayon ay lumalaban!” Ang sigaw na ito’y hindi lamang basta babala; isa itong deklarasyon. Ito ang hudyat na tapos na ang panahon ng pananahimik at pagpapaalipin sa isang sistema na patuloy na nagnanakaw at nang-aabuso.
Hindi naghihirap ang Pilipinas dahil sa kakulangan, kundi dahil sa kawalan ng katarungan.
Kaya naman, ipagpatuloy natin ang ating laban para sa isang mas maliwanag na kinabukasan.
Sa bawat lansangan, sa bawat pagkilos at paghinga, ang kulay kayumanggi ay mananatiling simbolo ng ating lakas at pagkakaisa.